Isa ang nasawi at tatlo pa ang malubhang nasugatan matapos mag-amok ang isang kilalang siga kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Nakilala ang nasawi na si Victor Fuentes, 50, jeepney barker na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng baril sa katawan, samantalang kritikal din sina Danilo de Paz, 45, barangay tanod. Sugatan din sa insidente ang asawa ni de Paz na si Veronica, 44; at vendor na si Theresa Romero, 38, na nahagip din ng bala.
Samantala, pinaghahanap naman ng pulisya ang suspect na si Luis Lim, 47, ng Apelo Cruz ng nabanggit na lugar na mabilis na tumakas dala ang ginamit na baril matapos ang isinagawang pag-aamok.
Sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa isang eskinita sa Apelo Cruz habang naglalakad ang mag-asawang Paz patungong barangay nang biglang magwala ang suspecr at saka walang habas na nagpaulan ng putok ng baril.
Napag-alaman na ang suspect ay lider ng sindikatong nagkakabit na ilegal na kuryente na buwanan namang sumisingil sa kanilang mga kliyente. Napag-alaman pa na hindi na dinatnan ng suspect ang dati niyang mga sinisingil kung kaya agad itong nag-amok at nagpaputok ng baril. (Lordeth Bonilla)