Pinabulaanan kahapon ni Taguig City Mayor Sigfrido Tinga ang ulat na iisa lamang ang palikuran o comfort room na ginagamit ng mahigit sa 2,000 estudyante ng Silangan Elementary School sa Brgy. Maharlika Village, nabanggit na lungsod.
Ayon kay Tinga, lumalabas sa kanilang isinagawang inspeksiyon na may walong palikuran naman umano ang nakatayo mismo sa nasabing paaralan subalit ilan sa mga ito ay hindi basta-basta magamit bunga ng mga ginagawa pang bagong silid-aralan.
Aminado naman si Raul Villar, head ng Taguig Facilities Management Office na nagkaroon nga ng kakulangan sa pasilidad sa palikuran subalit nangako naman itong aaksiyunan ang nasabing problema.
Bukod dito, sinabi din ni Villar na lahat ng comfort rooms ay maaayos na sa darating na buwan ng August, habang ang may 1,222 silid-aralan ay sasailalim sa renovations bago pa man matapos ang taon.
Ayon naman kay Tinga, na katakdang magdagdag ng may 150 new classrooms bago matapos ang susunod na pasukan kung saan nakapagpatayo na rin ang lokal na pamahalaan ng may 260 silid-aralan simula pa noong 2001. (Rose Tamayo-Tesoro)