Isang babaeng Overseas Filipino Worker (OFW) ang nasawi sa hindi pa mabatid na dahilan habang isinasailalim sa operasyon sa liposuction sa isang klinika sa Quezon City kamakalawa.
Idineklarang patay dakong alas-6:30 kamakalawa ng gabi sa loob ng Borough Medical Care Institute sa loob ng Cyber One Bldg. sa Eastwood Cyberpark along E. Rodriguez Jr. Avenue, Libis ang biktimang nakilalang si Mary Jane Arciaga, 29, isang OFW buhat sa Dubai at residente ng Muntinlupa City.
Hawak naman ngayon ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit ang limang medical practitioner na nag-opera sa biktima na nakilalang sina Drs. Lorenzo Peregrina (cosmetic-plastic surgeon), Mylene Tan (anesthesiologist) at Joel Punzon (sur geon). Kabilang din dito ang mga nurse na sina Fiona Francisco at Joanna Melissa Tabiando.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, sinabi ng mga kaanak ni Arciaga na dakong alas-11 ng tanghali nang magtungo sa naturang klinika ang biktima upang sumailalim sa operasyon para sa pagpapapayat Nagulat na lamang sila nang ipaalam sa kanila na nasawi ang biktima habang isinasailalim sa operasyon.
Isinasailalim ngayon ng pulisya sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid ang dahilan ng pagkasawi nito.
Sinabi ni QCPD-CIDU chief, Sr. Supt. Franklin Mabanag na partikular na titingnan nila kung nasawi si Arciaga sa “anesthesia overdose”.
Sinabi pa nito na base sa mga eksperto, kailangan munang sumailalim sa medical examination ang isang pasyente isang araw bago operahan ito upang matiyak kung kakayanin ng katawan. Sa kabila nito, niliwanag rin ni Mabanag na sumailalim na rin sa matagumpay na liposuction operation ang biktima noong nakaraang taon.
Kinukuwestiyon naman ng pamilya ni Arciaga ang mga doktor kung bakit sa naturang klinika lamang isinailalim sa operasyon ang biktima. Bakit rin umano hindi ito isinugod sa pagamutan nang mag-kritikal na ito.
Inihahanda naman ng QCPD ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting to homicide habang hinihintay ang resulta ng naturang awtopsiya.