2 holdaper bulagta
Patay agad ang dalawang pinaghihinalaang mga miyembro ng riding in tandem gang, habang isang pulis naman ang malubhang nasugatan makaraan ang ilang minutong palitan ng putok sa pagitan ng grupo ng mga una at huli, kahapon ng tanghali sa Makati City. Kinilala ang mga nasawi na sina Antonio Antoque ng Bagong Silang, Caloocan City at isang 20-anyos na si Eric Aran.
Sugatan naman at habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyang inooperahan sa Makati Medical Center si PO3 Dodie Tidang ng Makati City Police. Ilang mga sasakyan naman na kinabibilangan ng kulay abo na Toyota Innova, isang BMW at kotseng Lancer ang tinamaan ng mga ligaw na bala sa nasabing enkwentro, habang ligtas naman ang mga diver ng nasabing mga sasakyan.
Ayon sa ulat ng pulisya, pasado alas-12 ng tanghali nang mangyari ang nasabing insidente sa Buendia-Pasong Tamo, Makati City.
Nabatid na unang sinita umano ng mga operatiba ang mga suspect na noon ay sakay sa isang kulay itim na Honda Wave motorcycle na may plakang 2044 NR dahil sa kahina-hinalang ikinikilos ng mga ito.
Sa hindi malamang kadahilanan ay bigla umanong bumunot ng baril ang isa sa mga suspect at agad itong nagpaputok dahilan upang gumanti rin umano ng putok ang operatiba. Kinumpirma ng pulisya na ang mga nasawi ay kabilang sa anim na mga suspect na umano’y pawang mga responsable sa panghoholdap kahapon sa mag-asawa na kawi-withdraw lamang ng P2.7 million sa isang sangay ng MetroBank sa nabanggit na lungsod.
Nabatid pa na nagawang matangay ng apat na kasamahan ng mga nasawi na pawang nakasakay rin sa dalawang motorsiklo na hindi na nakuhanan pa ng plaka ang nasabing halaga ng pera. Habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyan namang nagsasagawa ng hot-pursuit operation ang pulisya laban sa mga nakatakas na suspect, habang tumanggi naman si Supt. Cruz na ibunyag ang mga pangalan ng naholdap na mag-asawa bunga ng isinasagawa pang imbestigasyon . (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending