Anim na hinihinalang miyembro ng isang sindikato kabilang na ang isang pulis-Maynila ang nasawi makaraang maka-engkuwentro ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Fairview, ng naturang lungsod, kamakalawa ng gabi.
Tatlo lamang sa mga nasawi ang nakilala ng pulisya, ito ay sina PO1 Lino Acedera, nakatalaga sa Manila Police District (MPD); Mauro Lerpido, isa umanong stuntman; at Francis Violeta. Hinihinala na miyembro ng “Akyat Bahay Gang” ang grupo na nambibiktima ng mayayamang residente sa lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang engkuwentro bandang alas-9 kamakalawa ng gabi sa D. Tuazon, Agno at Cordillera Streets sa Doña Josefa Village, Fairview.
Nabatid na inalerto ng mga residente ang pulisya matapos ang kahina-hinalang presensya ng isang Honda Jazz at isang Mitsubishi Lancer sa bisinidad. Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng QCPD Station 6 at Special Weapons and Tactics (SWAT).
Mabilis na pinaputukan ng nag-iisang sakay ng Honda Jazz ang mga pulis habang tinangka pang tumakas ng limang nakasakay sa Lancer matapos na banggain ang Mitsubishi Adventure na kinalululanan ng mga awtoridad. Dito naganap ang palitan ng putok na ikinasawi ng anim na suspek, habang sa kabilang panig ay anim na pulis naman umano ang sugatan.
Narekober sa lugar ang tatlong granada, isang kalibre .45, isang kalibre .38, isang Uzi pistol, isang M-16 rifle at isang identification card ng Dept. of Interior and Local Government (DILG).
Nakuha rin sa loob ng sasakyan ang isang martilyo, gloves, packaging tape, plastic na posas at tatlong galon ng gasolina. Sinusuri rin ngayon sa Land Transportation Office (LTO) ang rehistro ng mga sasakyan dahil sa hinalang karnap ang mga ito.
Ipinag-utos na ni QCPD Director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang background check kay Acedera matapos na mabatid na kababalik lang nito sa serbisyo dahil sa kaso. May mga impormasyon na nasangkot na rin si Acedera sa operasyon ng kidnapping at iba pang krimen.
Sinusuri rin ngayon ng pulisya ang kaugnayan ng grupo sa naganap na masaker sa Talayan, Village, Brgy. Talayan na ikinasawi ng lima katao kabilang na ang isang 3-anyos na batang babae matapos na sunugin pa ng mga magnanakaw ang pinasok na bahay.