Malubhang nasugatan ang isang mister makaraang magwala at walang habas na nagpaputok ng kanyang service firearm ang isang lasing na sundalo, kahapon ng medaling-araw sa Pasay City. Nakilala ang sugatang biktima na si Rency Ozores, 22, construction worker at residente ng 60 Kalayaan Village, Balagbag, Merville, Pasay City . Nilapatan siya ng lunas sa Pasay City General Hospital bunga ng isang tama ng .45 kalibre ng baril. Nahaharap naman sa kasong attempted homicide at grave threat ang suspect na si 1st Lt. Ricky Bacornay, 33, ng 4th Infantry Division, Philippine Army, nakatalaga sa Auxiliary Unit HHSG ng Fort Bonifacio, Taguig City. Agad naman itong nadakip ng pulisya matapos ang ginawang pamamaril. Nakuha naman sa pag-iingat ng suspect ang .45 Remington pistol nito at magazine na naglalaman ng limang bala. Batay sa report. mula sa dinaluhang birthday party, naglalakad pauwi ng bahay ang biktima kasama ang mga kaibigan na sina Nick Zacarias, 24, mensahero, Jovito Caldes, 20, estudyante, kapwa ng #60 Kalayaan Village; at Garry Garcia, 18, estudyante ng 105 Kalayaan Village, Pasay City. Habang naglalakad ay masayang nagkukwentuhan ang mga ito at hindi namamalayan na napapalakas ang kanilang boses na ikinairita ng suspect na noon ay malapit lamang umano sa kanila.
Dahil sa impluwensya ng alak, agad na nagbunot umano ng baril ang suspect at habang sinisigawan ang mga biktima na hinaan ang kanilang boses ay walang habas na pinaputukan nito ang magkakaibigan na ikinasugat ni Ozores, habang tinutukan naman nito ng baril sina Zacarias, Caldes at Garcia. (Rose Tamayo-Tesoro)