Obrero inadobe sa videoke
Patay agad ang isang construction worker matapos na hatawin ito ng adobe sa ulo ng isa sa tatlong lalaking kanyang nakaaway sa loob ng isang videoke bar, dahil lamang sa pag-aagawan sa mikropono at sa tangkang pagkanta nito ng kanyang paboritong awitin, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Wala ng buhay nang idating sa Las Piñas District Hospital ang biktimang si Danilo Eusebio, 49.
Agad naman nadakip ang mga suspect na sina Dexter Manlangit, 28; at Dionisio Espina, 35, ng Emi Reyes Compound, Zapote, Las Piñas, habang nagawa namang makatakas ng kasamahan nito na kinilala lamang sa alyas na Jun. Dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang mangyari ang nasabing insidente sa loob mismo ng isang videoke bar na nasa harapan ng Neltex Factory, Zapote-Alabang Road, Las Piñas.
Nabatid na kasama umano ng biktima ang kapwa obrero na si Ely Miras ng #29 ng Doña Cristita Subd., Pamplona I at dalawa pang kaibigan nang magtungo sa nasabing bar.
Dinatnan umano ng biktima ang grupo ng suspect na umiinom at nag-kakantahan din sa naturang videoke bar . Nag-request ng paboritong awitin ang biktima, subalit nang kakantahin na ang hiniling na awitin ay tumanggi umano ang grupo ng mga una na ibigay ang mikropono hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.
Tinangka pa umanong umawat ng mga waitress sa naturang videoke bar subalit humantong na sa kaguluhan hanggang sa pagpapaluin ng kanilang dalang adobe ng isa sa mga suspect ang biktima na duguang nahandusay. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending