200 kilo ng bulok na karne ng manok, nasamsam
Humigit-kumulang sa 200 kilo ng nabubulok na karne ng manok ang nasamsam ng pinagsanib na puwersa ng Pasay City Hall Detachment at Veterinarian Office na nakatakda na sanang ibenta sa pamilihan, kahapon ng umaga sa nasabing lungsod.
Ang pagkakasabat ay bunsod ng isang buwan na pagmamanman ng mga awtoridad kaugnay sa iniimbak na pinagputul-putol na bahagi ng karne ng manok
Arestado naman ang dalawa sa mga negosyanteng umano’y nagpupuslit ng naturang mga karne na kinilalang sina Grace Pedernal, 25, at Evelyn Joaquin, 38, na kapwa sinampahan na ng mga kasong paglabag sa consumers act of the Philip pine at R.A. 9296 o Meat Inspection Code.
Ayon sa operatiba, naging positibo ang kanilang operasyon makaraang makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang residente
Nabunyag din umano ang modus-operandi ng mga suspect matapos na umalingasaw sa lugar ang masangsang na amoy ng nabubulok na karne ng manok dakong alas-4 ng madaling-araw na nagbunsod upang salakayin ng operatiba ang naturang lugar. Naaktuhan naman ang dalawang naarestong suspect habang isinasalansan ang mga karne para dalhin sa Pasay City Public Market. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending