Sasampahan umano ng mga kaukulang kaso ang lahat ng mga namamahala sa Ospital ng Makati (OsMak) sa oras na mapatunayan na nagpabaya nga ang mga ito sa kanilang tungkulin dahilan upang kumalat ang toxin o bacteria na sepsis na ikinamatay ng 66 sanggol at pagkahawa naman ng 182 na pawang ipinanganak sa nabanggit na ospital.
Kaugnay nito, sinibak na kahapon ng lokal na pamahalaan ng Makati City ang medical director ng OsMak na si Julius Drilon at ilan pang mga kasamahan nitong matataas na opisyal ng naturang pagamutan.
Ayon kay Makati City Mayor Jejomar Binay, hindi siya magdadalawang-isip na sampahan ng legal charges ang mga sinibak na opisyal, staff at personnel ng OsMak kapag napatunayan ang pagkakaroon ng negligence sa mga ito. Dahil na rin sa nasabing nakakaalarmang sitwasyon ay isang task force ang binuo ni Binay na mamumuno sa isasagawang imbestigasyon.
Mula kahapon ay puspusan naman ang imbestigasyon ng task force at fact-finding team na pinangungunahan ni dating Health Sec. Jaime Galvez Tan, Makati City Health Officer Ma. Lourdes Salud, Anthony San Juan at Sally Espeleta ng Metro Manila Health Department.
Ayon pa kay Binay, target na alamin ngayon ng nasabing grupo ang hinggil sa pagkasawi ng naturang bilang ng mga sanggol, kung saan nagmula ang nasabing bacteria at kung ano ang mga nararapat na rekomendasyon o preventive solutions para masawata ang nasabing bacteria at nang hindi na makapaminsala pa.
Nabatid na inaasahang sa loob lamang ng sampung araw ay mailalabas na ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon ng nasabing task force. (Rose Tamayo-Tesoro)