Muli na namang nadagdagan ang bilang ng mga sanggol na nasawi sa kumakalat na toxin o bacteria na nagdadala ng sepsis sa Ospital ng Makati (OSMAK).
Batay sa ulat, pasado alas-4 ng madaling-araw kahapon nang masawi ang sanggol na itinatago sa pangalang “Baby Angel” makaraang iluwal ito ng kanyang ina sa nasabing ospital.
Bunga nito ay umaabot na sa 66 ang mga sanggol na kumpirmadong nasawi sa sepsis sa nabanggit na ospital sa loob lamang ng apat na buwan.
Lumalabas naman sa mismong talaan o log book ng OSMAK na mula noong January hanggang May, 2008 ay umabot sa 181 sanggol na ipinanganak sa kanilang ospital ang positibong kinapitan ng sepsis at pang-pito si Baby Angel sa nasawi sa loob lamang ng buwang ito.
Bunga nito, pinag-iisipan naman ng Department of Health (DOH) ang posibleng pagdeklara na ng sepsis outbreak sa nabanggit na ospital bunga ng nakakaalarma ng sitwasyon. (Rose Tamayo-Tesoro)