Nasa kritikal na kondisyon ang isang 32-anyos na lalaki makaraang resbakan siya ng saksak ng kanyang live-in partner na naunang ginawang punching bag ng una kahapon ng madaling araw sa Sta. Ana, Maynila.
Nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Marlon Solano, residente ng 2731 Road 5 Bagong Sikat, Punta, Sta. Ana Maynila bunga ng tinamong saksak sa tiyan.
Hindi na lumutang pa sa lugar ang suspek na si Margarita Rondolo, 30, na mabilis na tumakas matapos ang ginawang pananaksak.
Ayon sa ulat, dakong alas-12:10 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa loob ng inuupahang bahay ng dalawa. Nauna nang nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa hanggang sa pagsusuntukin ng lalaki na noon ay lasing ang suspect.
Dahil naman sa tinamong mga pasa ng suspect, nagtungo ito sa kusina at kumuha ng kutsilyo at saka mabilis na sinaksak ang mister.
Sinasabi ng ilang kakilala na madalas umanong mag-away ang magka-live-in dahil sa pera na nauuwi sa pananakit ng lalaki. Naisugod naman ng mga barangay tanod sa lugar ang lalaki habang ang suspek na misis ay mabilis na tumakas. (Ludy Bermudo)