Karumal-dumal na kamatayan ang sinapit ng isang 47-anyos na mister na matapos paulanan ng bala sa ulo at iba’t ibang parte ng kanyang katawan ay inatado pa ito ng saksak sa noo pati na sa kanyang mga hita, kamakawala ng gabi sa Parañaque City.
Patay na nang idating sa Parañaque Medical Center si Reynaldo Alarcon ng J. Estrada II, Brgy. BF Sucat, Parañaque sanhi ng mga tama ng bala ng kalibre .45 at kalibre .38 sa ulo at katawan, bukod sa malalim na saksak sa noo at kanang hita nito. Ang ingay naman ng sunud-sunod na putok buhat sa mga suspect ay narinig ni PO1 Pedro Littana, nakatalaga sa PNP Special Action Force (SAF), kapitbahay ng biktima na agad nagresponde bitbit ang kanyang service firearm kung saan namataan niya ang dalawang papatakas na salarin. Agad na hinabol ni Littana ang dalawa hanggang sa abutan niya ang suspect na si Edgar Carael, samantalang nakatakas naman ang isa pang kasama nito na si Tata Fernandez.
Nakumpiska ni Littana kay Carael ang isang kalibre .38 na baril na isa sa mga armas na ginamit sa pamamaslang sa biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyang kinukumpuni umano ni Alarcon ang tangke ng gasolina ng kanyang owner type jeep sa harapan ng kanilang bahay dakong alas-7:30 ng gabi nang biglang lumapit ang dalawang lalaki at pinaputukan ng sunud-sunod ang una.
Isa sa mga salarin ang humugot pa ng patalim at sunud-sunod na sinaksak ang biktima bago nagmamadaling tumakas, tangay ang ginamit nilang armas. Ang pangyayari na nasaksihan naman ng 9-anyos na kapitbahay ng biktima na kasalukuyang pinapanood ang ginagawang pagkukumpuni ng nasawi sa tangke ng gasolina nang mangyari ang krimen.
Sa ngayon ay inaalam pa ng pulisya ang motibo ng pamamaslang, subalit may hinala sila na pawang mga “hired killers” ang mga suspect dahil dayo lamang sa naturang lugar si Carael na tumangging magbigay ng pahayag sa pulisya. (Rose Tamayo-Tesoro)