Naaresto ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation ang tatlo katao kabilang ang isang liason officer at isang babae na illegal recruiter na nangakong magbibigay ng trabaho sa kanilang mga nabiktima, iniulat kahapon.
Kinilala ni NBI director Nestor Mantaring ang mga suspek na sina Rommel Lucero Busto, 39, liason officer at nakatira sa No. B30, L19, E.P Village I, Western Bicutan Taguig City; Albert Doctolero Apostadero, 39, negosyante at residente ng Angono Rizal; at si Rizalina De Jesus Tabajonda, 46, branch manager ng Ren-Glo Enterprises, Placement Agency Cainta Branch at nakatira sa L1, B2, Golden Miles Subd., Cainta, Rizal.
Ang pagkakaaresto ng mga suspek ay dahil sa mga reklamo ng 78 katao na umano’y niloko ng mga suspek na magtatrabaho sa Madrid, Spain. Ang mga biktima ay hiningan ng mga suspek ng P90,000 placement fee ngunit wala naman umanong trabahong makukuha sa Madrid.
Nabatid na noon pang Pebrero 19, 2007 kinansela ng Philippine Overseas Employment Administration ang lisensya ng Ren-Glo na may opisina sa 4986 P. Guanzon Poblacion, Makati Ave. Makati City.
Bukod dito, meron nang nakabimbing mga arrest warrant ang mga suspek. Sina Apostadero at Bustos ay nakapiit ngayon sa NBI Jail habang si Tabajonda ay nakapiit sa Morong Rizal Jail. (Grace dela cruz)