Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lalaki habang malubhang nasugatan ang isa pa makaraang suyurin sila ng isang rumaragasang kotse sa Quezon City.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktimang si Anton Nogan, 25-30 anyos, ng Commonwealth Avenue, Barangay Commonwealth sa naturang lunsod.
Isinugod naman sa Malvar General Hospital sanhi ng pagkakabagok ng katawan ang isa pang biktimang si Teresita Santos, 45, walang tiyak na tirahan.
Ayon sa ilang saksi, bago ang insidente ay nakatayo ang mga biktima sa ilalim ng Metro Manila Development Authority footbridge na malapit sa Barangay Commonwealth hall sa Commonwealth Avenue.
Maya-maya lang ay biglang sumulpot ang humahagibis na isang kulay pulang Mitsubishi na minamameho ng suspek na si Adrian Briato, 28, at natumbok ang dalawang biktima. (Angie dela Cruz)