Matapos ang ginawang P3.50 kada kilong pagtataas ng presyo ng Liquified Petrolium Gas ng grupong LPG Marketers Association ng nakaraang Sabado ay muli na namang nag anunsyo ng panibagong pagtaas ng kanilang tindang cooking gas simula sa darating na Sabado.
Ayon kay Arnel Ty, presidente ng LPGMA, pinag-aaralan pa ng kanilang grupo kung P.50 sentimos o P1 kada kilo ang gagawin nilang pagtaas sa kanilang produkto.
Sinabi ni Ty na wala silang magagawa kundi ang muling magtaas ng tindang cooking gas dahil sa patuloy na pagtaas ng contact price nito sa pandaigdigang pamilihan.
Base sa datus na pinakita ni Ty, sa ngayon ay umaabot na sa $910 kada metriko tonelada bago matapos ang buwan ng Mayo, mas mataas ng $65 kumpara sa presyo noong Abril.
“Wala po kaming magagawa kundi ang muling itaas ang presyo ng aming tindang LPG dahil, kung hindi namin gagawin yun, kami naman ang malulugi kaya sana maintindihan kami ng mga consumers,” pahayag ni Ty.
Dagdag pa nito na kung ikukumpara sa presyo ng iba pang LPG na tinda ng mga kompanya ng langis ay mas mababa ang kanilang presyo nang P10.
Sa ngayon ay umaabot na sa P610 ang presyo ng tindang 11 kg na LPG ng grupo ni Ty, dealer ng Omni, Sula, Pinnacle at Cat Gas at posibleng umabot ito sa P621 pagdating ng Sabado.