Halos hindi mailarawan ang mukha ng isang guwardiya makaraang kuyugin, sabunutan at bugbugin siya ng limang bakla na pawang naburyong makaraang sitahin niya sa pag-iingay ng mga ito sa loob ng kanyang binabantayang internet café kahapon ng hatinggabi sa Makati City.
Sugatang dinala sa pagamutan ang halos nawalan ng ulirat na biktimang si Rodel Roxas, 26, binata, guwardiya ng Station 168 Internet Cafe sa Makati Avenue, Barangay Bel Air sa naturang lunsod.
Sasampahan naman si Roxas ng kontra-demanda ng mga suspek na sina Jaypee Holanda, 17; Norman Lucero, 22; Anthony Villar Hermosa, 23; Jay Rosedel Carson, 23; at Mike Angelo, 17, na pawang mga residente sa Welfareville Compound, Mandaluyong City, dahil sinaktan din umano sila ng biktima.
Nauna rito, labis umanong nairita ang mga suspek nang sawayin sila ng biktima dahil sa labis nilang pag-iingay na ikinabulahaw din ng iba pang kostumer.
Iginiit naman ng mga suspek na sila ay mga kustomer at hindi naman sila nanggugulo.
Humantong lamang umano ang mainitan nilang pagtatalo nang laitin na umano sila ng guwardiya sa pagiging homosexual nila na naging dahilan upang pagtulungan nila itong kuyugin at bugbugin.