Hipag kinatay ng bayaw
Nagawang mapatay ng isang bayaw ang kanyang hipag na musikera makaraang mawala sa sarili ang una at ataduhin ng saksak ang huli, kahapon ng madaling-araw sa Las Piñas City.
Hindi na umabot pa ng buhay sa Perpetual Hospital bunga ng hindi mabilang na mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktimang si Maria Florencia Tolentino, 56, musician, residente ng #08, 3rd St., Las Piñas Village, Pamplona 3, ng nabanggit na lungsod.
Samantala, agad namang isinailalim sa psychiatric examination ang suspect na kinilalang si Angelito San Miguel, 47, residente rin ng nabanggit na lugar.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinatayang pasado alas-12 nang mangyari ang nasabing krimen sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Bago naganap ang pananaksak sa biktima, unang naging balisa, hindi mapalagay ang suspect at walang humpay na nagwawala ito sa loob ng kanilang bahay.
Nabatid na magkasama sa iisang bahay ang biktima at suspect nang bigla umanong mawala sa katinuan ang huli at maraming beses na pinagsasaksak ang natutulog na hipag. Halos magkagutay-gutay naman at mawarak ang katawan ng biktima dahil sa ginawang paulit-ulit na pananaksak ng suspect sa katawan nito.
Matapos ang insidente ay agad namang nadakip ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 3 ang suspect at inilagak ito sa bukod na detention cell para hindi na makapanakit ng kapwa nito preso.
- Latest
- Trending