Konstruksyon ng 13 pang QC building pinabibilisan
Pinamamadali ni Quezon City Mayor Feliciano Belmonte Jr. ang pagpapagawa ng 13 school building upang masigurong sapat ang mga silid-aralan para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan sa darating na pasukan.
Sa sandaling matapos ang mga ito, magiging 215 na ang kabuuan ng mga gusaling pampaaralan ang mga pampublikong paaralan ng lungsod.
Sa pinamamadaling 13 school building, walo sa mga ito ang magiging silungan ng mga mag-aaral sa Tandang Sora Elementary School, Diosdado Macapagal Elementary School, Culiat Elementary School, Payatas Elementary School, Holy Spirit Elementary School, Quirino Elementary School, Mines Elementary at Esteban Abada Elementary School.
Samantala, para naman sa high school level, kasalukuyang ginagawa ang karagdagang silid-aralan para sa mga estudyante ng Batasan Hills National High School, Ramon Magsaysay High School, Bagong Silang High School, San Francisco High School at Camp Aguinaldo High School.
Ayon sa mga opisyal ng paaralan, nangangailangan ang mga estudyante ng lungsod ng may kabuuang 18 na silid-aralan ngayong pasukan upang maging komportable ang pag-aaral ng mga bata sa 42-pampublikong sekondarya at 97 elementarya ng lungsod.
Sinabi ni Division of City School Superintendent Dr. Victoria Q. Fuentes na mas marami pang mag-aaral ang inaasahang dadagsa sa mga pampublikong paaralan dahil sa mga estudyante na lilipat mula sa pribadong eskuwelahan.
Mula Hulyo 2001 hanggang 2007, may kabuuang 87 school building ang pinondohang maitayo ng pamahalaang lungsod. Sa bilang na 87, may 63 school building na ang natapos at kasalukuyang ginagamit ng mga mag-aaral ng lungsod. Ang bilang ay bumubuo sa 1,211 na bagong silid-aralan para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan.
Sa Distrito II na tinitirahan ng nakararaming mahihirap, ang nabigyan ng malaking bahagi sa mga pinatayong school building na may kabuuang 50.
- Latest
- Trending