Napatay ang isang 19-anyos na vendor habang nasa kritikal na kondisyon naman ang kaibigan nito matapos silang saksakin ng isang lalaki na umano’y nayabangan sa mga biktima kamakalawa ng madaling-araw sa Sampaloc, Maynila.
Namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang biktimang si Mark Erwin Andaya ng 578 Quezon Blvd. Quiapo, samantalang patuloy na inoobserbahan sa naturang ospital ang kasama nitong si Nestor Magbutay, 19, na residente din ng nasabing lugar.
Kaagad namang naaresto habang natutulog sa kanyang bahay ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Station 3 ang suspek na si Abundio Vaclion, 27, kargador ng 953 R. Papa St. Lerma Sampaloc.Maynila
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling-araw ng maganap ang insidente matapos na sumugod sa R.Papa St. ang mga biktima kasama pa ang iba nilang barkada upang hanapin ang mga bumugbog sa isa pa nilang barkada na si Gerald Contemar na napagtripan matapos na ihatid ang kanyang kasintahan. Naglalakad na umano ang grupo ng biglang sumulpot ang suspek at inundayan ng saksak sa Tiyan si Andaya at pagkatapos ay si Magbutay naman na tinamaan sa kanan dibdib. Idineklarang patay ng doktor si Andaya kahapon dakong alas-8 ng umaga. (Gemma Amargo-Garcia)