2 illegal recruiter timbog ng NBI
Arestado ng mga elemento ng National Bureau of Investigation ang dalawang illegal recruiter matapos na manloko ng may 170-katao na nais magtungo sa
Kinilala ni NBI Director Nestor Mantaring ang mga suspek na sina Albert Apostadero, 39, at si Rizalina Tabajonda.
Batay sa ulat, dinakip ang mga suspek batay na rin sa reklamo ng mahigit sa 170 katao.
Ayon sa mga biktima, pinangakuan umano sila ng mga suspek na makapagtatrabaho bilang mga chambermaid at roomboy at makakatanggap ng suweldong US$2,000. Hiningian umano ng mga nasabing suspek ang mga biktima ng halagang P70,000 bawat isa subalit matapos na matanggap ang placement fee ay bigla na lamang umanong naglalaho ang mga ito.
Nabatid na matagal na umanong ipinasara ng Philippine Overseas Employment Agency ang Renglo Enterprises Placement Agency na pag-aari ng mag-asawang Renato at Gloria Tomas kung saan konektado rito ang mga nadakip na suspek. Ngunit sa kabila ng closure order ng POEA ay patuloy umanong nag-operate ito. Ang mga nasabing suspek naman ay dinakip sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ng Makati Regional Trial Court Branch 62. Nahaharap sa kasong Syndicated illegal recruitment ang mga suspek kung saan walang inirekomendang piyansa para sa panandaliang kalayaan ng mga ito. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending