Matapos ang halos limang buwang pagtatago sa batas, nadakip na rin ng mga tauhan ng Quezon City Police District-Warrant Section ang isang negosyante na umano’y nambugbog at nagnakaw ng pera at mga kagamitan ng biktimang si Louie Albert Serrano, nursing student.
Agad din namang nakapaglagak ng piyansang P30,000 ang akusadong si Aron James Lao , 28, ng #7 Robert St., Pleasant View Subdivision, Tandang Sora kay Quezon City RTC Judge Charito Gonzales branch 80 para sa kasong theft.
Batay sa rekord ng warrant section, nahuli dakong ala-1 ng tanghali si Lao sa kahabaan ng Banlat St. ng mga tauhan ng mobile patrol matapos na may makakita dito sa isang car wash station. Agad na itinuro ang akusado kay Serrano na agad namang humingi ng tulong sa dumaang mobile patrol. Nag-ugat ang kaso ni Lao nang mapagtripan at bugbugin nito si Serrano at dalawang kaibigan sa Tomas Morato noong Enero 10.
Nakasakay siya sa kanyang kotse na Honda na may plakang UBE-583 kasama sina Michael at Miguel Castro sa tapat ng Decades Bar nang biglang harangin ng akusado na sakay naman ng isang Honda SIR na may plakang VAJ-168 sa likod at plakang 8 naman sa harap at may blinker. Bigla na lamang binasag ni Lao at iba pang kasama nito ang sasakyan ni Serrano at pinagbubugbog. Nawala ang pera at ilang personal na gamit ni Serrano sa sasakyan. Si Lao ay pansamantalang nakalalaya matapos maglagak ng piyansa. Pero tuloy ang kaso rito na tinaguriang “Siga sa Morato”. (Doris Franche)