Lalaki ‘kinain’ ng elevator, lasog

Patay ang isang mister makaraang ma­ipit ito sa kinukumpuning elevator, kahapon ng umaga sa Muntinlupa City.

Kinilala ang biktima na si Melvin Seri­ban, ng Alabang, nabanggit na lungsod na nasawi noon din bunga ng ma­tinding pag­ka­kaipit ng katawan nito sa elevator.

Batay sa ulat, dakong alas-10 ng umaga nang mangyari ang nasabing insidente sa Ayala, Alabang Village, Muntinlupa.

Nabatid na  kinukumpuni umano ng bik­tima ang elevator ng isang gusali sa na­banggit na lugar nang aksidente nitong ma­pindot ang button ng makina dahilan upang bigla itong umandar at maipit ang kanyang katawan. Bunga naman ng sobrang pagka­kaipit sa biktima ay nagkalasug-lasog ang katawan nito na naging sanhi upang agaran itong masawi.

Ayon sa mga kasamahan ng biktima, huli na at hindi na nila naagapan pa sa pag­­ kakaipit ang biktima kung saan hindi agad ito naitakbo sa pagamutan dahilan upang hindi na nagawang maisalba ang buhay nito.

Isang masusing imbestigasyon naman ang kasalukuyang isinasagawa ng awto­ridad hinggil sa nabanggit na insidente, habang ang mga labi naman ng biktima ay agad na dinala sa Eastern Funeral Homes kung saan isasalang ito sa ma­susing awtopsiya.

Show comments