Naipit sa rambol, pintor patay

Papauwi na sana ang isang lalaki galing sa trabaho ngunit sinalikwat pa ito ng kamatayan makaraang maipit at mabugbog ng higit 30 kabataan ng magkalabang gang kamakalawa ng gabi sa Quezon City. Isinugod pa sa National Orthopedic Hospital ngunit hindi na rin umabot ng buhay ang biktimang si Dante Nogalada, 30, pintor, at naninirahan sa #50-47 Ofelia street, Brgy. Bahay Toro, Project 8, ng naturang lungsod. Sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-10:30 ng gabi sa may kanto ng Banawe st.at Cuenca St., Brgy. Lourdes.

Katatapos lang sa trabaho sa pinapasukang construction site ang biktima at papauwi na kasama ang mga katrabaho nang biglang sumiklab ang rambol ng magkalabang gang na pawang may mga edad na 15 hanggang 20-anyos na kala­lakihan. Tinangkang tumakbo at umiwas ng grupo ni Nogalada ngunit inakala ng isang grupo na mga kaaway sila. Dito na­korner ng mga suspek ang biktima na walang humpay na pinag­papalo ng tubo habang isa pa ang nagtarak ng patalim sa likod nito bago mabilis na nagsitakas. Pinilit pa ng biktima na tumakbo kahit may tama ng saksak ngunit tuluyan rin siyang bumulagta sa kalsada bago pa man rumesponde ang mga awtoridad at isugod siya sa pagamutan. Nabatid naman na halos gabi-gabi umano ay may nagaganap na rambol sa naturang lugar na hindi masawata ng pulisya. (Danilo Garcia)

Show comments