Malubhang nasugatan ang isang opisyal ng Pasay City Police nang makipag barilan ito sa isang holdaper na tinangka niyang sitahin, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Habang isinusulat ang balitang ito ay patuloy pa ring ginagamot sa San Juan de Dios Hospital si P/Senior Inspector Enrico Ebon, 50, na nakatalaga sa Police Community Relation (PCR) ng Pasay City Police Station matapos masapol ng bala ng baril buhat sa holdaper.
Nadakip naman sa isinagawang operasyon ang suspect na kinilalang si Rizaldy de Paz, 25, ng 704-B55 Apelo Cruz, Street.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas-10 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente sa harapan mismo ng Winston Lodge, EDSA, Pasay City.
Nabatid na pauwi na si Ebon sakay ng kanyang kotse nang mamataan sa panulukan ng Aurora Blvd. at Tramo St. ang suspect na may nakasukbit na baril habang may kausap na isang babae dakong alas-10 ng gabi.
Sa pagkakataong ito ay hindi na nag-atubili umano ang opisyal at agad na bumaba ng kanyang sasakyan upang lapitan at sitahin ang lalaki na mabilis na nagtatakbo at sumakay sa isang pedicab.
Dahil dito ay agad namang hinabol ng opisyal ang papatakas na suspect, subalit bumunot na ito ng baril at agad na pinaputukan ang una na tinamaan sa kaliwang balikat. Bunga nito ay gumanti na rin ng putok ang opisyal subalit mabilis na nakatakas ang suspect patungong Edang St. ng nabanggit na lugar.
Lumalabas naman sa masusing pagsisiyasat ng pulisya na ang suspect ay sangkot umano sa mga serye ng holdapan sa lungsod. (Rose Tamayo-Tesoro)