Nagmistulang protest march ang sana’y malungkot na funeral march para kay Anakpawis Partylist Congressman Crispin “Ka Bel” Beltran nang ilakad ito mula sa Philippine Independent Church sa Taft, Avenue, Maynila patungong Mendiola bridge kahapon.
Si Ka Osang, maybahay ni Ka Bel, kasama ang mga anak at mga kaanak ay sinamahan sa martsa ng mga nakapulang miyembro ng Kilusang Mayo Uno, Gabriela, Bagong Alyansang Makabayan, Anak Bayan, League of Pilipino Stu dents, PAMALAKAYA, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, Kabataang Pinoy at iba pa.
Habang daan ay sumisigaw ang mga militante ng mga islogan gaya ng “Ituloy ang Laban ni Ka Bel”,“Uring Manggagawa, Hukbong Mapagpalaya”, “Ka Bel, Bayani ng Sambayanan” at “Ka Bel Bayani ng Uring manggagawa.”
Sa tulay ng Mendiola, nagkaroon lamang ng maikling programa at matapos na iwanan sa paanan ng makasaysayang tulay ang koronang ipinadala ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa burol ni Ka Bel, lumisan na ang grupo ng mga militante patungong Batasang Pambansa para sa necrological service ng mga kasamahang kongresista.
Kamakalawa, sa luksang parangal na inihandog kay Ka Bel ng mga militanteng grupo, binasa rin ang mensahe ng pakikiramay ng National Democratic Front sa pamilya ng yumaong lider ng uring manggagawa.
Lumikha ng pansamantalang pagsisikip ng trapiko ang funeral march para kay Ka Bel sa kahabaan ng Quezon Ave. hanggang Commonwealth, Quezon City nang dalhin na ito sa Mababang Kapulungan.
Isa-isa namang nagbigay-pugay at naglagak ng puting rosas sa labi ni Anak Pawis Rep. Crispin Beltran ang mga kasamahan nitong kongresista kahapon.
Sinabi ni Rep. Satur Ocampo, si Ka Bel ay isang tunay na bayani ng mga mahihirap dahil hanggang sa huling sandali ay ipinaglalaban niya ang kapakanan ng mga manggagawa.
Samantala, kinantahan ni Rep. Monico Fuentebella si Ka Bel na may pamagat na ‘isang saglit’ sa plenaryo habang nakikinig ang daan-daang supporter at pamilya ng huli na ikinatuwa nila, kabilang ang mga senador na dumalo. Nauna rito, hindi patatawarin ng pamilya ni Beltran ang Catholic Church sa Albay sa ginawa nitong pagtanggi para misahan ang kongresista.
Sinabi ni Rosa Beltran, asawa ng kongresista na masakit sa kanilang pamilya ang ginawa ng obispo na hindi misahan ang kanyang yumaong asawa. (Doris Franche at Butch Quejada)