20 oras walang tubig sa Navotas at Malabon
Dalawampung oras na mawawalan ng tubig sa buong bayan ng Navotas maliban sa NBBS at San Rafael at ilang bahagi ng Malabon simula alas -11 ng gabi ng Miyerkules, Mayo 28 hanggang Mayo 29 ng alas-7 ng gabi, Huwebes.
Ayon sa Maynilad Waters, ang pagkawala ng suplay ng tubig sa naturang mga lugar ay dahil sa paglilipat ng 900-mm mainline na naapektuhan ng DPWH Flood Control Project sa kahabaan ng Governor Pascual kanto ng Sanciangco sa Malabon.
Samantala, ang mga lugar na walang tubig sa Malabon ay ang Tenejeros, Tonsuya, Niugan, Catmon, Maysilo, Tanyong, San Agustin, Ibaba, Baritan, Flores, Bayan-Bayanan, Muzon, Hulong Duhat, Dampalit at bahagi ng Acacia at Tugatog.
Mahina naman ang suplay ng tubig sa bahagi ng Potrero village sa panahon ng repair.
Pinapayuhan ng Maynilad Waters ang mga residente na apektado ng water interruption na ngayon pa lamang ay mag-ipon na ng tubig upang may magamit sa panahon ng pagkawala ng suplay. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending