Vendors sa Divisoria winalis
Libu-libong illegal vendors sa Divisoria area ang naglahong parang bula makaraang ipatupad ng Manila Police District (MPD) ang zero obstruction project ni Mayor Alfredo S. Lim sa mga itinakdang discipline zone ng pulisya sa Kamaynilaan.
Maliban sa ilang illegal vendors na “guerillla style” ang pagtitinda, malinis na ngayon sa vendors ang kahabaan ng Recto Avenue mula sa Tutuban Shopping Center hanggang Asuncion St., Soler, Juan Luna, Ilaya, Carmen Planas, Bilbao at Asuncion na dating hindi madaanan ng mga sasakyan.
Nagtulung-tulong ang Presinto 2 at Presinto 11 ng MPD, Department of Public Service, Hawkers office, District I Manila City Hall Sattelite Office at Manila Parking and Traffic Bureau sa pagtataboy sa mga pasaway na vendors na nagkalat sa kalye at ang natira lamang ay mga vendor na may hawkers permit sa bangketa.
Maging ang kalye Ilaya, Padre Rada, Raxa Matanda, Padre Herrera at Juan Luna sa pusod ng Tondo ay lumuwag sa trapiko dahil sa traffic re-routing. Magugunita na kamakailan lamang ay nag-utos ang alkalde kay MPD Director Roberto Rosales na ipatupad ang kanyang zero obstruction policy sa buong lungsod, lalo na sa Divisoria area, sa pamamagitan ng pagtatayo ng discipline zone.
Nagbanta rin ang alkalde na sisibakin niya sa puwesto ang sinumang kumander ng presinto na mabibigo o susuway sa kanyang utos. (Doris Franche)
- Latest
- Trending