Tinatayang aabot sa P10 million ng halaga ng mga ari-arian ang naabo makaraang tupukin ng malakas na apoy ang dalawang palapag na warehouse ng pabrika ng kama kahapon ng umaga sa lungsod Caloocan.
Ayon kay SFO1 Randy Resurrecion, Caloocan City Fire Arson investigator, dakong alas-9:10 ng umaga nang magsimulang lamunin ng apoy ang ACR Furniture Manufacturing Corporation na matatagpuan sa kahabaan ng J. Manuel Street, Barrio Galino, 8th Avenue, Grace Park na pag-aari ng isang Tony Tan.
Nabatid na bigla na lamang umapoy sa loob ng bodega kung saan nakalagay ang mga rugby; leather at ibat-ibang gamit at sangkap sa upholstery materials.
Dahil sa combustible ang mga ito ay mabilis na kumalat ang apoy sa buong warehouse kung saan wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa insidente at naitala sa Task Force Alpha ang sunog, na tinatayang aabot sa P10M ang naabo.
Hanggang sa isinusulat ang balitang ito ay hindi pa naitatalang fire out ng mga kagawad ng pamatay-sunog ang naganap na insidente kung saan patuloy ang isinasagawang imbestigasyon kung ano ang pinagmulan ng sunog. (Lordeth Bonilla)