Ilang araw pa lamang matapos na muling magtaas ang presyo ng petrolyo ay muling nag-anunsyo kahapon ng panibagong P2.50 kada kilo pagtaas ng presyo ng Liquified Petrolium Gas (LPG) ang grupong LPG Marketers Association (LPGMA).
Ayon kay Arnel Ty, presidente ng grupong LPGMA, sisimulan nila ang panibagong P2.50 kada kilo o umaabot sa P27.50 sa isang 11-kg na tangke ang presyo ng kanilang tindang LPG sa darating na weekend o simula ng buwan ng Hunyo. Paliwanag ni Ty, wala na silang magagawa kundi ang mag-implimenta ng panibagong LPG hike matapos ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng contact price nito sa pandaigdigang pamilihan na umaabot na sa ngayon sa halagang $60 kada metro tonelada.
Dagdag pa nito na posible pa umanong hindi matatapos dito ang gagawin nilang LPG hike dahil patuloy pa rin ang pagpalo ng presyo ng petrolyo sa pandaigdigang pamilihan.
Dahil sa gagawing pagtaas ng presyo ng LPG ng grupo ni Ty, dealer ng Omni, Sula, Cat at Pinnacle Gas ay aabot na sa P595.50 ang pres yo nito simula sa Hunyo mula sa dating P568 na dati nitong presyo.