8 kinasuhan sa Glorietta blast
Isinulong na ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong kriminal sa Makati Regional Trial Court (RTC) laban sa walo katao na responsable sa naganap na pagsabog sa Glorietta 2 mall sa Makati City noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa ipinalabas na resolusyon ng DOJ Task Force Glorietta, mga kasong reckless imprudence resulting to homicide at multiple physical injuries ang isinampa sa Makati RTC laban sa 8 katao na direktang may pananagutan sa nasabing insidente.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Engr. Candelario Valdueza, project engineer ng Makati Supermarket Corp., Clifford Arriola, operations manager ng Marchem Industrial Sales and Services, supervisor na si Joselito Buenaventura at mga maintenance personnel na sina Charlie Nepomuceno, Jonathan Ibuna at Juan Ricafort.
Nadawit din sa kaso ang operations manager ng Metalline Enterprises na si Engr. Ricardo Cruz at ang foreman na si Miguel Velasco Jr.
Ayon sa panel, mayroong sapat na dahilan upang litisin sa nasabing kaso ang mga suspek. Ligtas naman sa kaso ang pamilya Ayala matapos na ipawalang-sala ang Ayala Property Management Corp. at ang mga kawani nito na sina building engineer Marcelo Botones, building administrators Jowell Valdez at Arnel Gonzalez.
Ang Ayala property management corporation ang nangangasiwa sa pagpapatakbo ng Glorietta malls. Bukod sa pamilya Ayala, abswelto rin sa kaso ang mga opisyal ng Bureau of Fire Protection na sina SF04 Anthony Greay, SF02 Leonilo Balais at fire safety inspector Reynaldo Enoc.
Ang mga naturang kawani ng BFP ay unang sinangkot sa kaso dahil sa kabiguang inspeksyunin ang naturang establisimento subalit nilinaw ng DOJ na walang sapat na basehan upang litisin sa hukuman ang mga nasabing empleyado. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending