Holdaper dedo sa parak

Nabaril at napatay ng isang pulis-Manila ang isang 24-anyos na lalaking hinihina­lang hol­daper matapos na makipag­palitan ito ng putok sa pulisya, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.

Namatay habang ginagamot sa Ospital ng Maynila si Jeffrey Ramos ng Lambakin St., Ma­rilao, Bulacan sanhi ng tama ng bala sa katawan.

Arestado naman ang dala­wang kasama nito  na sina Cerio Bernabe, 24 ng Daang Bakal New Antipolo St., Tondo at Vin­cent Reyes, 16 , ng 1092 Daang Bakal, Antipolo St., Tondo, habang tinutugis pa ang isa pa nilang kasamahan. Inginusong nakabaril dito  ay si SPO1 Ro­derick Lacangan, nakatalaga sa MPD-Station 7.

Sa report, dakong alas-6 ng gabi nang maganap ang insi­dente sa kanto ng Cavite at Ipil Sts., Tondo. Nagsasagawa ng pag­­­papatrulya si Lacangan nang napansin umano ang ko­mosyon kung saan may naga­ganap na holdapan sa naturang lugar.

Tinangkang magresponde si Lacangan subalit nagtakbuhan umano ang mga suspek at ha­bang tinutugis ang mga ito nang pinaputukan siya ni Ramos dahi­lan upang gumanti siya ng putok at tamaan ito.  (Grace dela Cruz)

Show comments