Limang paslit ang nasagip kahapon sa pagkakalunod, habang nabigo namang mahanap pa ng search and rescue team ang isa pa sa mga biktima matapos na tangayin ng malakas na agos ng tubig-ilog, kahapon ng tanghali sa Muntinlupa City.
Kinilala ang nawawalang 7-anyos na biktima na si Christopher Mapili Jr., kung saan habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa rin ito natatagpuan.
Batay sa ulat na nakalap ng PSN, pasado alas-12 ng tanghali kahapon nang iulat ng mga magulang ng mga bata ang insidente matapos mapansin ang pagkawala ng mga ito sa paliligo sa ilog sa Barrio Tuklas, Cupang, Muntinlupa City.
Ang lima naman sa mga bata na na-rescue ay kinilalang sina Joshua Mapili, 13, kapatid ni Christopher Jr, John Mark Monteniado, 10, John Leslie, 9, Kolbin Abellanosa, 11 at Mario “Toto” Curikasyon Jr., 12, pa wang nakatira sa Barrio Cupang.
Sa paunang imbestigasyon, sinabi ng mga pamilya ng mga bata na huli nilang nakitang naliligo ang anim nang biglang dumagundong ang malakas na agos ng tubig-ilog at tangayin ang mga huli na nasaksihan naman ng mga una.
Bunga nito ay agad na humingi ng tulong sa kinauukulan ang mga pamilya ng mga biktima kung saan ay agad namang nagpadala ng search and rescue team kapwa ang Philippine Coast Guard (PCG) at ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa kung saan ay agad na nasagip ang lima, gayunman bigo silang makita si Christopher. (Rose Tamayo-Tesoro)