Inutos kahapon ni Philippine National Police Chief Avelino Razon ang paglalatag ng checkpoints at chokepoints sa Metro Manila kahit na araw kaugnay ng pinalakas na anti-bank robbery campaign.
Ito’y upang maiwasang maulit pa ang nangyaring karumaldumal na Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) bank/robbery massacre sa Cabuyao, Laguna noong nakalipas na Mayo 16 na ikinasawi ng siyam na empleyado at isang depositor ng nasabing bangko.
Ayon kay Razon, ang checkpoints at chokepoints ay kanilang ipatutupad kahit araw mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas- 3:00 ng hapon o sa tuwing banking hours.
Kasabay nito, inatasan rin ni Razon ang mga hepe ng pulisya na lumabas sa kanilang mga upisina at pamunuan ang nasabing operasyon.
Si Razon ay personal na naglibot kahapon ng umaga sa Pasay City at pinangunahan ang checkpoint operations sa kahabaan ng EDSA hinggil naman sa ipinatutupad na “No Plate, No travel policy.” (Joy Cantos)