Hindi na mag-aalangan ang mga kabataan sa Quezon City na pumunta sa mga health center para magpakonsulta lalo na sa usapin ng sekswalidad at reproductive health.
Ito ay matapos pasinayaan kamakailan ni Mayor Feliciano Belmonte Jr. ang isang one-stop shop na center na magbibigay ng serbisyong medikal sa mga kabataan.
Binuksan ang center tatlong buwan matapos ipasa ng Quezon City Council ang population and reproductive health management ordinance na naglalayong magturo sa mga kabataan ng health education.
Tatawaging Teen Headquarter ang center na may mga tauhang magbibigay ng counselling, referral at information-education sa mga batang kabataang may edad na mula 15 hanggang 24 anyos.
Kabilang sa serbisyo ng center ang pregnancy test at counseling, pap smear exam, pre at post natal care, breast exam, testicular exam at pagtutuli.