Sampu katao ang sugatan makaraang sumabog ang isang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) matapos na maiwanang nakabukas, kahapon ng umaga sa Quezon City.
Nakaratay ngayon sa Quirino Memorial Medical Center dahil sa tinamong mga sugat at lapnos sa katawan sina Sandy Odon, 3 ; Asuncion Odon, 19; Dennis Odon, 11; Benita Odon; Jerry Cabanganan, 13; Milagros Tamayo, 21; pawang nakatira sa kanto ng Ermin St. at Cambridge St., Cubao, Quezon City.
Habang nilalapatan naman ng lunas sa East Avenue Medical Center dahil sa tinamong 1st degree burns sa kanilang katawan ang mga biktimang sina Maria Caponsi, 53; Karen Caponsi, 3; Constancio Pranada, 46 at Aracel Pranada, 42.
Batay sa imbestigasyon ng Quezon City Police District-Cubao Police Station 7, naganap ang insidente dakong alas-11:30 nang maganap ang pagsabog sa bahay ng mga biktima sa nasabing lugar.
Naiwanan umanong nakabukas ang regulator ng LPG tank dahilan upang kumalat ang gas nito at nadilaan ng apoy kaya ito sumambulat na ikinasugat ng magkapitbahay at mga biktima.