Dalawang lalaki ang pinaslang ng mga hinihinalang sindikato ng iligal na droga matapos na matagpuan kapwa sabog ang ulo nito dahil sa tama ng bala kamakalawa ng gabi sa Novaliches, Quezon City.
Nakilala ang mga nasawi na sina Arnold Sumergido, 42, binata at Mario del Rosario, alyas “Mario Bakla”, residente ng Brgy. Sta. Monica, Novaliches, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, dakong alas-9 ng gabi nang makarinig ng sunud-sunod na putok ng baril ang mga residente ng Nitang Avenue, Brgy. Gulod, Novaliches. Nang kanilang usyosohin, dito natagpuan ang bangkay ng dalawang biktima na nakabulagta sa kalsada.
Sa pagsusuri ng SOCO, kapwa nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan ang dalawang biktima na sanhi ng kanilang agad na kamatayan.
Wala namang makuhang saksi ang mga awtoridad na magbibigay-daan sa pagkakilanlan ng mga suspek. Teorya ng mga awtoridad na posibleng anggulo sa onsehan sa iligal na droga ang motibo ng naturang pamamaslang. (Danilo Garcia)