Tinangka umanong dukutin ang nag-aaral na anak ng ZTE whistle blower Rodolfo “Jun” Lozada ng dati nitong driver sa Philippine Forest Corporation (PFC).
Gayunman, hindi naman nito tinukoy ang pangalan ng dati nitong driver nang humarap ito sa isang press conference na “No Holds Barred” kahapon ng umaga sa National Press Club sa Intramuros, Maynila.
Ayon kay Lozada, March 4, 2008 bandang hapon ay nagtungo umano ang dati nitong driver sa eskuwelahang pinapasukan ng kanyang anak upang sunduin ito.
Nakapasok umano sa nasabing eskuwelahan ang dati nitong driver nang sabihing may bibilhin lamang sa loob ng eskuwelahan, bukod pa sa kilala na umano ito ng security doon.
Gayunman, hindi naman sumama ang anak nito makaraang bilinan ng kanyang ina nang tawagan ito.
Itinanggi naman ni Lozada na gusto na niyang mangibang bansa at doon na manirahan dahil sa umano’y walang nangyayari sa isinasagawang imbestigasyon ng ZTE Broadband deal.
Nilinaw niya na tinanong lamang umano siya ng isang mamamahayag hinggil sa isang worst scenario sa ginaganap na imbestigasyon at may options itong mangibang bansa kaya sinagot lamang nito na gusto rin nitong mangibang bansa para sa kanyang pamilya.
Dagdag pa nito na sa kasalukuyan niyang sitwasyon na hindi ito malayang nakakakilos at hindi ito nakakapagtrabaho at hindi nito natutugunan ang pinansiyal na pangangailangan ng kanyang mga pamilya kaya naiisip niyang mangibang bansa na lamang. Gayunman, iginiit nito na hindi siya aalis ng bansa at dito siya sa bansa mamamatay. (Grace dela Cruz)