Hindi na rin nagpahuli sa pagtaas ang Liquified Petrolium Gas (LPG) sa patuloy na pagtaas ng krudo matapos na mag- anunsyo ang grupong LPG Marketers Association (LPGMA) ng panibagong .50 sentimos o kabuuang P5.50 kada 11 kg na tangke nito.
Ayon kay Arnel Ty, presidente ng LPGMA, ang panibagong LPG price hike ay sinimulan dakong alas-12:01 ng madaling-araw ngayon dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng presyo ng contact price nito sa pandaigdigang pamilihan na umaabot na sa mahigit $30 kada metric tons gayundin ang paghina ng piso kontra dolyar.
Paliwanag pa ni Ty, dealer ng Omni, Cat, Sula at Pinnacle Gas na wala na silang ibang opsyon kundi ang ipataw sa consumer ang dagdag presyo dahil hindi na umano nila kayang pasanin dahil maliliit na negosyante lang umano sila ng LPG kumpara sa Shell, Caltex at Petron.
Sa kasalukuyan ay ito na ang ikatatlong pagtaas ng presyo ng LPG matapos ang huling pagtaas ng P22 kada 11 kg na tangke noong Abril 28 ng taong ito.
Inaasahan naman na susunod ang iba pang kompanya ng LPG sa ginawang pagtaas ng presyo ng grupong LPGMA. (Edwin Balasa at Rose Tamayo-Tesoro)