QC flashflood: 100 bahay nalubog, 2 bata inanod

Isang  bata ang naiulat na nalunod, habang nawawala   ang isa pa makaraang saga­sain ng flashflood  ang may 100 kaba­hayan sa Brgy. Bagong Sila­ngan, Quezon City kamakalawa ng hapon dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan.

Umaabot sa 55 pamilya ngayon buhat sa Gawad Ka­linga Village sa Brookside, Brgy. Bagong Silangan ang ka­salukuyan ngayong nananatili sa evacuation centers sa barangay hall at basketball court habang nakalubog ang kanilang mga bahay sa baha na umabot ng hanggang ba­likat ng tao.

Nabatid na bumuhos ang baha sa mga kabahayan ma­karaang mawasak ang limang metrong dike dahil sa pressure  ng tubig. Marami sa mga resi­dente ang naipit sa kanilang sariling mga bahay habang ang iba ay binutas na lamang ang kanilang bubungan upang ma­ka­ligtas sa baha.

Nawawala naman sa natu­rang insidente ang 8-anyos na bata na si Joseph Arevalo sa na­turang lugar, habang nalag­lag na­man sa isang creek sa Brgy. Commonwealth ang isa pang 8-anyos na bata na si Edgie Garcia Jr. 

Narekober naman ng mga rescuer ang bangkay ng bikti­mang si Garcia sa naturang creek nang humupa ang baha habang patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation ng mga awtori­dad para sa biktimang si Arevalo.

Naipit rin sa baha ngunit nagawa nang mailikas ang ilang mga estudyante buhat sa University of the Philippines na nagsasagawa ng community service  sa naturang lugar.

Show comments