Patay ang dalawang pulis Maynila at isang negosyanteng Intsik, habang sugatan ang tatlong sibilyan nang harangin at pagbabarilin ng anim na suspek na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo at saka tinangay ang may P1 milyon sa Paco, Maynila kahapon ng umaga.
Namatay noon din sa pinangyarihan ng krimen ang pulis na si PO3 Franciso Neri, habang patay na bago pa man idating sa Ospital ng Maynila si PO3 Jose Santos, kapwa nakatalaga sa Manila Police District (MPD)-Police Community Precinct (PCP)-sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Idineklarang dead-on- arrival naman sa Makati Medical Center (MMC) si Atty. Alfredo Dy, isang negosyante sanhi ng tama ng bala sa katawan.
Kinilala naman ang mga sibilyan na nasugatan na sina Janine Pauline Delarosa, 15, estudyante; Arturo Ferrer, 67; at Rizza Aquino, 25, pawang residente ng Merced St., Paco.
Nagpalabas na rin ng cartographic sketch ang Manila Police District (MPD) sa mga suspek na inilarawan na magkakaangkas sa dalawang motorsiklo.
Sa report ni Det. Steve Casimiro ng MPD-Homicide section, dakong alas-10 ng umaga nang maganap ang insidente sa kanto ng P. Gil at Merced Sts.
Nauna rito, minamaneho ni Dy ang kanyang silver gray na Honda CRV (ZJA 847) matapos na mag-withdraw ng P1 milyon cash sa Banco De Oro, Ligao branch nang naabutan ito ng pulang signal lights. Habang nakatigil ang sasakyan ay hinarang ng isa sa suspek ang kanyang motorsiklo habang ang dalawang kasamahan nito na nakaabang sa kanto ay sabay-sabay na pinaputukan si Dy.
Nang bumulagta ang biktima ay kinuha ng mga suspek ang isang itim na bag sa tabi nito na naglalaman ng P1 milyon cash. Nagresponde naman ang dalawang pulis na galing sa isang operasyon subalit bumulaga sa kanila ang dalawa pang mga suspek na nakaabang sa lugar kaya pinagbabaril din ang mga ito.
Bagama’t may tama ang dalawang pulis ay nagawa itong makipagpalitan ng putok kung saan isa sa suspek ang tinamaan. Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek gamit ang dalawang motorsiklong may mga plakang FB 3108 (Honda TmX) at ON 9592 (Honda Wave) na inabandona naman sa kanto ng Anak Bayan at Singalong Sts., saka sumakay ng isang get-away car na isang Nissan na di naplakahan.