Nahaharap sa kasong graft at direct bribery sa Manila Prosecutor’s Office ang dala wang tauhan ng Manila City Treasurer’s office na nadakip sa isang entrapment operation ng District Special Police Unit kaugnay sa pangingikil ng salapi mula sa isang negosyante, noong Biyernes.
Kinilala ni Senior Insp. Marcelo Reyes ang mga suspek na sina Rochelle Gutierrez at Alfredo Silva, kapwa business license inspectors.
Pormal namang naghain ng reklamo ang negosyanteng si Mario Pronstoller, 60-anyos, may-ari ng Golden Eagle Shipping Corp.
Dakong alas-4 ng hapon, noong Biyernes nang isagawa ang pagdakip sa dalawang suspek sa loob mismo ng Manila City Hall treasurer’s office.
Sa reklamo ng negosyante, nagtungo sa kaniyang tanggapan ang mga suspek noong Mayo 6, 2008 at iprinisinta sa kaniya ang handwritten assessment ng tax arrears para sa loob ng limang taon na nagkakahalaga ng P380,000.
Inalok umano ng dalawa ang negosyante sa compromise settlement na aabot lamang sa P80,000 na ibinaba pa sa P35,000. Sa puntong iyon ay nakipagkasundo ang biktima na makikipagkita upang dalhin ang kabayaran. Lingid sa kaalaman ng mga suspek, nakaplano na ang entrapment. (Ludy Bermudo)