Sinalakay ng mga tauhan ng Laguna Lake Development Authority ang dalawang slaughter house o katayan ng baboy na sinasabing pag-aari ng pamilya ni dating Muntinlupa City mayor Jaime Fresnedi.
Nag-ugat umano ang nasabing raid bunga ng walang humpay na reklamo ng mga residente ng Barangay Putatan at bukod pa umano sa sobrang ingay na idinudulot ng mga kinakatay na baboy na umaabot hanggang madaling-araw at water pollution na kumakalat sa Laguna Lake.
Malaki umano ang ipinagtataka ng mga nagreklamo kung paano nakapagtayo ng slaughter house sa bahagi ng Laguna Lake sa kabila ng Cease and Desist order ng LLDA.
Batay sa rekord, makailang beses na umanong bumagsak sa inspeksiyon ang nabanggit na dalawang slaughter house kung saan ay pinagmulta ito ng halos P3 milyon dahil umano sa polusyon na idinudulot nito sa lawa.
Pinamunuan ang naturang pagsalakay ni Engr. Ernesto Pua ng Pollution Monitoring Group kung saan ay kanilang ininspeksiyon ang water treatment plant patungong Laguna Lake.
Sinasabing bahagyang nagkaroon ng tensiyon nang ipatigil ni Councilor Allen Ampaya, umano’y pamangkin ni Fresnedi, ang isinasagawang inspeksiyon ng LLDA subalit agad na mang humupa nang pumagitna ang operatiba ng Muntinlupa City Police. (Rose Tamayo-Tesoro)