LPG bus, ikakalat sa Metro Manila

Ipakakalat na sa Metro Manila at ilan pang karatig la­lawi­gan ang ilang pampasa­herong bus na gumagamit ng liquefied petroleum gas (LPG) bilang bahagi ng  kampanya ng pamahalaan na mabawasan ang ibinubugang maiitim na usok sa kapaligiran.

 Ayon kay DENR Secretary  Lito Atienza, apat na LPG-powered buses ang dinala sa kanyang tanggapan para ipakita ang maayos na buga ng usok nito at pinaniniwalaang hindi ma­ka­ pagdudulot ng matinding epekto sa hangin sa Metro Manila.

 Sinabi naman ni Philippine LPG Bus and Taxi Co., Inc. Chairman Alexis Cowel na ang apat na LPG buses ay binili sa King Long Philippine Int’l. Bus, Inc., na unang ibibiyahe sa rutang Fairview-C5.

 Sakaling maging epektibo umano ang nasabing LPG bus ay may kabuuang 200 unit na ang madadagdag mula sa Xiamen, China na ipakakalat sa Metro Manila; San Pedro, Biñan at Sta. Rosa sa Laguna.

Umaasa naman si Atienza na mababawasan ang polusyon sa hangin sa Metro Manila ng 40 hanggang 50 porsiyento kung makikipagtulungan ang mga transport sector na gu­mamit na lamang ng LPG sa halip na diesel at gasolina. (Angie dela Cruz)

Show comments