Tensyon sa DAR:  Farmers at mga sekyu nagbanatan

Naging madugo ang may apat na buwan nang kilos-pro­testa ng mga magsasaka na miyembro ng Task Force Ma­palad matapos na magka­sun­tukan ang mga security guards ng Department of Agrarian Reform (DAR) na tinangkang pasukin ng mga demonstrador kahapon ng umaga.

Nabatid na sugatan sina Edwin Gonzales, 55; Emilio Liven, 67; at Cris Ruiz, 32, pawang mga magsasakang miyembro ng Task Force Ma­palad buhat sa bayan ng San Juan sa Batangas.

Naganap ang kaguluhan  dakong alas-10:30 ng umaga sa DAR national office sa Ellip­tical Road, Quezon City ma­tapos na tangkaing pasukin ng nasa 30-40 magsasaka ang loob ng DAR makaraang ma­bigo ang paki­kipag-usap sana kay DAR Legal Director Ibrahim Omar.

Nauwi sa suntukan ang kom­prontasyon ng mga mag­sa­saka at humarang na mga guwardiya habang ang iba naman ay nagtangkang umak­­yat sa pader upang maka­pasok sanhi upang ikandado ang gate ng DAR compound.

Umawat naman ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) upang hindi na lalong lumala ang insi­dente.  Nagbabala naman ang mga magsasaka na magsa­sampa ng kaukulang kaso laban sa mga security guard na nanakit sa kanila.

Ipinaglalaban ng mga ito ang hindi matupad-tupad na iti­natakda ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan sa kanilang inaangkin na 123-ek­taryang lupain sa Brgy. Laiya-Ibabaw, San Juan, Batangas.

Sinabi ni TF Mapalad spokes­­­person, na nais maki­pag-usap ng mga magsasaka kay Omar makaraang buma­ligtad sa pa­ngako matapos na hindi mag-isyu ng “notice of coverage” para sa 123 ektar­yang lupain na inookupahan ng isang kum­panya. (Danilo Garcia)

Show comments