Tensyon sa DAR: Farmers at mga sekyu nagbanatan
Naging madugo ang may apat na buwan nang kilos-protesta ng mga magsasaka na miyembro ng Task Force Mapalad matapos na magkasuntukan ang mga security guards ng Department of Agrarian Reform (DAR) na tinangkang pasukin ng mga demonstrador kahapon ng umaga.
Nabatid na sugatan sina Edwin Gonzales, 55; Emilio Liven, 67; at Cris Ruiz, 32, pawang mga magsasakang miyembro ng Task Force Mapalad buhat sa bayan ng San Juan sa Batangas.
Naganap ang kaguluhan dakong alas-10:30 ng umaga sa DAR national office sa Elliptical Road, Quezon City matapos na tangkaing pasukin ng nasa 30-40 magsasaka ang loob ng DAR makaraang mabigo ang pakikipag-usap sana kay DAR Legal Director Ibrahim Omar.
Nauwi sa suntukan ang komprontasyon ng mga magsasaka at humarang na mga guwardiya habang ang iba naman ay nagtangkang umakyat sa pader upang makapasok sanhi upang ikandado ang gate ng DAR compound.
Umawat naman ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) upang hindi na lalong lumala ang insidente. Nagbabala naman ang mga magsasaka na magsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga security guard na nanakit sa kanila.
Ipinaglalaban ng mga ito ang hindi matupad-tupad na itinatakda ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan sa kanilang inaangkin na 123-ektaryang lupain sa Brgy. Laiya-Ibabaw,
Sinabi ni TF Mapalad spokesperson, na nais makipag-usap ng mga magsasaka kay Omar makaraang bumaligtad sa pangako matapos na hindi mag-isyu ng “notice of coverage” para sa 123 ektaryang lupain na inookupahan ng isang kumpanya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending