Muli na namang sumalakay ang kilabot na riding-in-tandem kung saan hinoldap at napatay ng mga ito ang 50-anyos na mensahero na kanilang natiktikang nag-withdraw ng malaking halaga ng salapi sa isang banko sa Mandaluyong City, kahapon ng hapon.
Patay na nang idating sa Lourdes Hospital ang biktimang si Alfredo Maliksi, messenger sa St. Dominic Industry Inc. at naninirahan sa #1039 Pat Antonio St., Sta. Mesa, Manila sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala ng baril sa katawan.
Batay sa report ng Manila Police District, naganap ang insidente dakong alas- 12:30 ng hapon kung saan ang biktima ay nag-withdraw umano ng hindi pa mabatid na halaga ng pera mula sa Metrobank-Mandaluyong branch.
Sumakay umano ang biktima ng jeep at ito ay bumaba sa panulukan ng Taft Antonio at P. Sanchez St., V. Mapa.
Habang naglalakad umano ang biktima ay hinintuan ng dalawang suspek ang biktima at tinutukan ng baril at pilit na hinihingi ang winithdraw nitong pera.
Tumanggi naman ang biktima na ibigay ang pera sanhi upang pagbabarilin siya ng mga suspect.
Mabilis na kinuha ng mga suspect ang P65,000 winithdraw ng biktima at saka iniwan ang huli na nakahandusay.
Masusing sinisiyasat ng mga awtoridad ang posibilidad na mayroong insider sa banko na nag-tip sa mga suspect tungkol sa perang dala ng biktima.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya.