Tinatayang aabot sa P150-M halaga ng imported exotic fowl meat at aquatic products ang nakumpiska ng mga tauhan ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) matapos salakayin ng mga ito ang isang cold storage facility kahapon ng umaga sa Navotas City.
Base sa report ng pulisya, dakong alas- 9:00 ng umaga nang pasukin ng mga elemento ng PASG ang Common Cold Storage Facility na matatagpuan sa #525 M. Naval Street, Barangay Bangkulasi ng nabanggit na lungsod.
Bagaman hindi naabutan ng mga awtoridad ang may-ari ng naturang establisimiyento ay nakita naman sa loob nito ang labing-isang freezer van at labing-limang chillers kung saan tumambad sa kanila ang milyun-milyong halaga ng peking duck, rice duck, Hongkong greese, pork shrimp, imported fish, onions, garlic, giant squids, salmon heads at iba pang meat products tulad ng angus beef, chicken at pork na pawang mga nagmula sa bansang China.
Ayon sa mga tauhan ng PASG, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pag-ooperate ng cold storage facility sa naturang lugar at matapos ang isinagawang surveillance, napag-alaman na pawang mga iligal na ipinapasok sa bansa ang mga dinadala sa naturang establisimiyento dahilan upang agad itong salakayin sa bisa ng search warrant. Napag-alaman pa na ang mga nakumpiskang produkto ay dinadala at itinitinda sa iba’t ibang Chinese restaurants sa buong bansa at ipinapasok ito ng walang kaukulang buwis na binabayaran.
Matatandaang kamakailan ay isang warehouse ang sinalakay din ng mga tauhan ng PASG sa San Rafael Village, Navotas City kung saan nakumpiska rin ang milyong halaga ng mga puslit na produkto na nagmula sa China. (Lordeth Bonilla at Rudy Andal)