Nanumpa na bilang mga bagpong ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may 17 miyembro ng grupong “Magdalo” kahapon ng umaga sa Quezon City.
Kabilang sa mga nanumpa sina Intelligence Officer IVs Julius Navales, Emerson Margate; IO IIIs Jonah Arugay, Juvenal Azurin, Archivald Raniel, Emerson Rosales, Adrian Alvarino, Archie Grande, Joel Plaza, Ryan Quisai, Jeoffrey Tacio, Jigger Montallana, Bryan Babang, Jeffrey Bangsa, Mark Damaso, Ronald Allan Ricardo at IO II Samsudin Lintongan. Sinabi ni PDEA Undersecretary Director General Dionisio Santiago Jr. na pawang na “honorably discharged” na sa Armed Forces of the Philippines ang mga dating sundalo at binigyan na ng clearance ng Malacañang.
Sinabi ni Navales na masaya sila dahil sa may kumupkop sa kanila matapos na ma-discharge. Marami umanong nag-aalok sa kanila ng trabaho sa gobyerno lalo na sa pribado na mas malalaki ang suweldo ngunit tinanggihan nila dahil sa nais pa rin nilang makapagserbisyo sa bayan at maibahagi ang kanilang ideyalismo sa pagsugpo sa iligal na droga.
“Masaya kami, at least nang ma-discharge kami may kumupkop sa amin. Dati, kalaban namin terorista, ngayon ay durugista na,” ayon kay Navales. (Danilo Garcia)