Pinagbabayad ng mahigit sa dalawang daang libong piso ng Korte Suprema ang Far Eastern University (FEU) matapos na aksidenteng mabaril at masugatan ng isang security guard ang isang estudyante sa naturang paaralan.
Ito ay matapos na baligtarin ng Supreme Court (SC) 3rd division ang naunang desisyon ng Court of Appeals (CA) na nagbabasura sa reklamo ni Joseph Saludaga isang 2nd year law student sa FEU nang maganap ang insidente.
Ayon sa SC, may contractual obligation ang isang paaralan sa mga nag-eenrol na estudyante na tiyakin ang kanilang kaligtasan at hindi lamang ang pagbibigay ng edukasyon sa mga ito.
Iginiit pa ng SC na dapat na maging mahigpit ang FEU sa pagpili ng security agency at sa mga guwardiyang itinatalaga sa paaralan upang masiguro ang seguridad ng mga estudyanteng nag-aaral dito.
Base sa rekord ng korte, naglalakad si Saludaga patungo sa kanyang klase noong Agosto 18, 1996 nang mabaril ito ng security guard na si Alejandro Rosete na nasa ilalim ng Galaxy Development and Management Corporation.
Pinawalang-sala naman ng korte si Edilberto de Jesus na siyang pangulo ng FEU nang maganap ang insidente. (Gemma Amargo-Garcia)