Karnaper ng motorsiklo tiklo sa entrapment
Kulungan ang binagsakan ng isang karnaper na tumitira ng mga motorsiklo matapos na malambat sa isang entrapment operation nang tangkain nitong ibenta muli sa may-ari ang tinangay na sasakyan kamakalawa sa Quezon City. Nakadetine ngayon sa Quezon City Jail at nahaharap sa kasong carnapping ang suspek na nakilalang si Ronnie Lazar, ng Culiat Compound, Brgy. Tandang Sora, ng naturang lungsod. Sa ulat ng QCPD- Anti Carnapping Unit, naaresto si Lazar matapos na humingi ng saklolo ang biktimang si Carlos Magdaraog, 45, ng #449 Area 6 Botocan, Project 2, ng naturang lungsod.
Ayon kay Magdaraog, tinangay ng mga hindi nakilalang salarin ang kanyang pulang Honda na motorsiklo (TK-5662) sa tapat ng kanyang bahay noong Abril 29. Nag-text naman sa kanya si Lazar at sinabing kailangan niyang tubusin ang motorsiklo sa halagang P10,000. Dito na humingi ng tulong si Magdaraog sa QCPD na nagplano ng entrapment operation.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dakmain siya ng mga pulis habang tinatanggap ang marked money buhat sa biktima sa pinagkasunduang lugar ng mga ito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending